Susuyuin mo ang taong sa tingin mo eh magiging maligaya ka habang meron namang isang tao pang nagpaparamdam ng pagmamahal sa'yo. 'Yung taong tingin mo eh magiging maligaya ka sa piling niya meron na palang nagmamay-aring iba. At 'yung taong nagpaparamdam ng pagmamahal sa'yo, hindi mo papansinin dahil patuloy ka sa pagsuyo sa taong tingin mo eh magiging maligaya ka sa piling niya kahit meron na palang nagmamay-aring iba.
Mahal mo siya. May mahal siyang iba. May nagmamahal sa'yo. Hindi mo siya kayang mahalin. Tae lang talaga.
Nakita ko sa Facebook ang status ng taong matagal-tagal ko ring sinuyo noon. Ayon sa pambansang pastime ng Pilipinas, "in a relationship" na siya. Alam ng mga kaibigan naming nakahanap na siya ng taong makakapagpaligaya sa kanya. Hindi nila sinabi sakin dahil alam nilang hindi pa 'ko nakapag-move on kahit paulit-ulit kong sinasabi sa kanila at sa sarili kong wala na talaga.
Mga hinayupak na katropa, tama sila!
'Yung mga wala sa katinuang nabulag naman sa kapogian ko, patuloy sa pagpaparamdam na gusto nila 'ko. Patuloy ang pakikipaglandian sakin sa pagbabakasakaling magbabago ang isip ko at aanakan ko sila. Pwedeng magnyari 'yung huli pero ang hindi pwedeng mangyari eh 'yung susuklian ko ang pagmamahal na ibinibigay nila. Kalokohan ang konseptong matututunan mong mahalin ang isang taong simula't sapul eh hindi mo na mahal pero itinali mo pa rin ang sarili mong pagkakahumindig sa kanya. Naglolokohan lang kayong dalawa. Umaasa siyang mamahalin mo siya tulad ng pagmamahal niya sa'yo habang ikaw, binibigyan mo siya ng dahilan para umasa.
Meron akong theory shit kung ba't ganito tayo umasta pagdating sa pukenginang pag-ibig na 'yan.
Mayabang tayo at ang tingin natin sa mga sarili natin eh de-kalidad na klase ng mga nilalang. Kaya ang gusto lang nating magpatuloy ng lahi natin eh 'yung mga magagandang klase rin. Ayaw natin sa panget. Ayaw natin sa pwede na. Kaplastikan ang magsasabing mahal niya ang isang tao dahil maganda at busilak ang loob nito. Hindi ko ibinubukod ang ideyang isinasaalang-alang din sa isang relasyon ang ugali ng bawat isa. Pero ang punto ko, madalas sa madalas eh mauuna muna ang panlabas bago mo makita ang panloob.
Aminin mo man o hindi, pisikal at pisikal na kaanyuan ang labanan. Mas may pag-asa ang maganda na panget ang ugali kesa sa panget na maganda ang ugali. Kaya nga bibihira sa mag-asawang nagkakatuluyan ang panget at maganda. Kelangan parehong may itsura. O parehong panget. O parehong sakto lang. Kelangan lageng magka-level. Kaya siguro may kasabihan ang mga matatandang kung sino ang kamukha mo, 'yun ang makakatuluyan mo. Kung meron mang deviation, alam mong pera lang ang habol ng isa o masarap siyang kasiping sa kama. O di kaya naman eh nahuhuli na sa biyahe kaya papatol na lang sa kung sinumang anakngtitengmaugat wag lang mapag-iwanan ng panahon at tumandang virgin-slash-dalaga.
Kaya nga madalas sa madalas eh mahal mo ang isang taong hindi ka mahal at mahal ka ng ibang taong hindi mo naman mahal. Kasi tingin ng taong hindi ka mahal eh hindi ka niya ka-level at makakahanap pa siya ng mas mataas na uri ng punlang bubuntis sa kanya. Sa parehong paraang hindi mo rin gugustuhing mahalin ang taong mahal ka dahil tingin mo eh karapat-dapat ka sa mas maganda. Tae lang ule, naglolokohan lang kayo.
Sa kumpanyang kelan lang eh naging uring-manggagawa ako, nag-uumapaw ang lugar sa mga taong pwede mong mahalin at pwede kang mahalin. Kelangan mo lang talagang mag-ingat dahil pwedeng ang taong pwede mong mahalin eh hindi ka pala mahal at ang taong pwede kang mahalin eh hindi mo pala mahal. Maglolokohan lang ule kayo.
Nitong nakalipas na dalawang linggo lang, nakahanap ako ng taong pwede kong mahalin.
Madalas kaming magkasama, limang beses sa isang araw kaming sabay kumakain, araw-araw kong kakwentuhan sa opis at pagdating sa bahay, kaulayaw pa rin sa selepono. Tinamaan ako dahil bukod sa maganda siya, masarap siyang kausap hindi tulad ng ibang co-trainee kong pa-tweetums shit. Hindi makabasag-pinggan pero open-minded. Umiinom pero hindi naglalasing. Mahilig sa New wave at UK bands. Fan ng Beatles, The Cure, at The Smiths. Nagbabasa ng libro. At ang tingin sa Twilight eh isang napakalaking bullshit.
Masarap siyang kakwentuhan dahil masarap siyang kalandian. Pwede naming pag-usapan ang kahit ano nang hindi nabuburyong sa presensiya ng isa't isa. Perfect match custom-made in heaven? You bet my pwet! Liban lang sa isang hitch: may nagmamay-ari na ng puso niya at hindi ako 'yun kundi isang seamanlolokong papalayag na. Nitong nakalipas na dalawang linggo lang, nakahanap ako ng taong pwede kong mahalin pero hindi ko pala pwedeng mahalin. Paradox!
Back to zero. Start from scratch yet again.











