Sa kasalukuyang takbo ng mga pangyayaring maysa-delubyo ang hanging amihan at habagat sa kutang pinagtataguan ko, ang pagba-bloghop at pagkakaligaw ng landas sa bulagspot ko eh huli sa mahabang listahan ng mga dapat gawin ngunit ipinagpaliban dahil may mga dumagdag sa listahang dapat kong gawin pero nagawa ko pa ring ipagpaliban kasi isa akong nilalang na mahilig gumawa ng listahang dapat gawin pero hindi pa rin magawang hindi ipagpaliban.
Okey. Naguluhan ka na.
Ang ibig ko lang namang sabihin eh magpasahanggang ngayon, hindi ko pa rin talaga kayang itakwil ang abilidad kong magmulti-task na namana ko pa sa araw-araw na pagpuputa ko dati sa Makati. Hindi ako ang taong mahilig umamin ng kahinaan higit lalo sa taong kaharap ko pero pero dahil hindi naman kita kaharap ngayon, inaamin ko sa'yong habang isinasalaksak ng utak kong unahin ang taragis na pagrerebyu para sa nalalapit na pakikipagbuno ko sa CPA Board sa susunod na taon, madalas pa rin akong masidetrack ng kung anu-anong shit na wala namang kabuluhan at katuturan at hindi makakatulong sa paglinang ng kung anumang hinaharap meron ako sa, er...hinaharap.
Redundant.
Wag mo na kong sumbatan. Bago mo pa ko pangaralan sa kung gaano ako ka-lousy at ka-pathetic (at umiral na naman ang pagka-bias ko sa wikang Ingles; ano na nga ba ang Tagalog ng "lousy" at "pathetic," Ginoong Kulisap?), sinisigurado ko sa'yong makailang ulet na kong minura ng sarili kong subconscious dahil sa tanginang sakit ko sa procrastination na 'to. Old habits die hard sabi ng mga taong nagmamarunong. May punto. Paano mo nga naman mapapatay ang isang bagay na nakasanayan mo nang gawin tulad halimbawa ng pagmumura, pag-utot, o di kaya eh pagjajakol? Halimbawa being the operative word.
Pwede ba kong magpaka-defensive at mag-rationalize nang kaunti?
Oo, inaamin kong wala ako sa focus ngayon dahil andami kong kung anu-anong shit na pinagkakaabalahan. Mahirap hawakan ang buhay-bum sa leeg kung nakapaligid sa'yo ang napakaraming distractions at pinanghahawakan mo ang maling kaisipang meron ka pang dalawang buwan bago tuluyang bumalik sa Maynila upang magpakasal sa kwartong claustrophobic na punumpuno ng Accounting books at review materials kaya okey lang magpapetiks-petiks ngayon.
Ilang ulet na ba kong gumawa ng sarili kong review schedule sa susunod na araw at nag-alarm sa cellphone nang napakaaga para lang mauwi sa maghapong panonood ng TV, paglalaro ng PSP, paglamon ng Marty Cracklin's Vegetarian Chicharon habang tinatapos ang sangkaterbang pirated DVD series sa laptop?
Sa humigit kumulang dalawampung araw na pamamalage ko sa dakong ito ng Pilipinas, ano nga ba ang nalaman kong maaari kong pakinabangan sa pagtupad ng mga buwakanginang pangarap ko?
Namangha ako sa graphics at story line ng Final Fantasy: Crisis Core. Nakipagkumpetensiya sa insan kong adik din kina Cloud, Zack, Angeal, Sephiroth, at Genesis. Nakipagpuyatan kay Dr. House hanggang sa mabangenge na siya sa hallucination at tuluyang lamunin ng isang psychiatric hospital. Nalungkot sa pagkamatay ni
Meron bang kapakinabangan sa mga shit na nabanggit ko?
Kung mamimilosopo ako't pangangatuwiranan ang kawalang kwentahan ng kasalakukuyang buhay-tambay ko, marami akong maaaring idahilan sa'yo pero sa konteksto ng totoong kalagayan ko ngayon at sa kung ano ang nais kong abutin sa hinaharap, isang napakalutong na tampal ang inaasahan kong matanggap.
Kaya nga wala talaga akong balak mag-Intarnetz ngayon. Dahil napakarami ko pang mga bagay sa listahang kelangang gawin pero pikit-matang ipinagpapaliban.
On second thought, dahil sa di-sinasadyang pagbisita ko sa datkom na 'tong punumpuno ng kung anu-anong shit, nalaman kong nominado pala 'ko sa Top Ten Posts of the Year ng Philippine Blog Awards. (Salamat kay Pareng Kosa para sa mainit-init na balita.) Haha! Isang napakalaking joke na nga ang pagkakapindot ko sa Visayan Blogger category noon (dahil wala talagang Humor Blog o Personal Blog sa pagpipilian nung pinundot ko 'yung link noon, pramis!), heto nama't nakikipagtaguan pung na naman ang mga bathaluma ng buladasphere sa pagkakasalimpusa ko sa Oscars ng mga bloggers dahil sa July post ko tungkol sa kung paanong ang blog eh sobrang nakakaadik gaya ng seks.
Para kay Deejay at XG na sigurado kong makikipaglandian sa iba pang blogero't blogera sa a-nuwebe ng Oktubre, isang good luck charm mula kay Lio Loco. Pakikuha na lang ang award ko sa entablado. Haha! Suntok sa buwan.
Si Deejay rin pala ang manok ko sa Blogger's Choice ng PBA. Wala nang dapat irason pa kundi pantanggal umay sa amag ng pang-araw-araw na buhay ang kung anu-anong satire shit na pinagsususulat niya.
P.S.
Huwag mo kong masyadong gisahin sa pagiging Great Procrastinator ko. Nakakadalawampung pahina na ko sa libro ko sa Law of Obligations and Contract. Paglalamayan ko 'to nang ilang linggo. At pagkatapos eh ang ibang reviewer naman ang isasalang ko. Pramis!



