Pages

Sa Bus. Pauwi. Trapik. Takte.





















nakapagpapahikab
ang malamig na hanging kinulob,
binuo ng labas-masok na pasaherong
iba't iba ang amoy ng hininga
at taranta sa kani-kaniyang paglalakbay,
pagod sa maghapong pakikipagbuno
sa trabahong pumipigil sa gutom at
kawalang-saysay, nananampal ng salapi ngunit
nananakal naman sa pagkayamot, tuluyang pagkahibang.
masarap isalampak ang tumbong
sa kutyong pang-tatluhang nilalang lamang
at pagkatapos ay ibubukaka ang mga hitang
pagal, pagod sa kakalakad sa dako pa roong
wala namang patutunguhan, idadausdos
ang kuluntoy na bayag at titeng maugat
habang nakabukaka nang pakangkang
dahil wala namang katabing kupal.
ako ang hari! pipikit. ihihilig ang ulo.
ibubuhol ang dalawang braso sa sariling dibdib,
idadantay ang tenga sa bintanang mamasa-masa
dulot ng ulang matampuhin. maglalakbay
doon sa di kalayuan, sa harayang hindi abot
ng mga taong alam mong hindi makakatalos sa
kung anumang shit ang naiisip mo dahil wala naman
silang kakayahang umahon, umalsa, mangarap
nang higit pa sa abot ng kanilang balintataw.
at ang taong sunud-sunuran ay makakalaya,
maglalaro, maglalakbay sa lunang walang
hanggan at walang batas -- walang kung
anu-anong shit na maglilimita sa kung ano
ang kaya mo, kung hanggang saan ka lang
kung sino ang diyos at ang aliping walang
sariling pagkakahumindig sa aninong taksil.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
tangina!
lampas na ko.
tae.