Pages

Para sa Utol Kong si Sean


Congrats! Engineer ka na!

Hindi ko pinagsisisihan ang desisyon kong ipagpaliban ang pagrereview ko para makapagtapos ka ng pag-aaral. Wala akong pagsisisi na naging call boy ako una sa Baguio at ngayon dito sa Makati para makapagtapos ka at makapagreview sa Maynila. Maski na alam kong sa lampas isang taong pagkagapos ko sa pagiging hilaw kong Amerikano sa telepono eh di malayong makalimutan ko na ang pinag-aralan ko sa Accounting. Okay lang ‘yon. Mas mahalaga sakin na makapagtapos ka at maabot mo ang mga pangarap mo. Sa pagpasan ko ng tungkuling tinalikuran ni daddy, pinangako ko na sa sarili kong mauuna’t mauuna ang kapakanan niyong dalawa ni mommy bago ang ano pa man. Na sa tingin ko’y natupad ko naman di ba?

Congrats! Engineer ka na!

Noong una, asar na asar ako kay mommy dahil hindi man lang niya tayo kayang pagsabayin. Nagalit ako dahil puro na lang siya salita. Naaalala mo ba yung mga panahong kababalik lang niya ng Pinas galing abroad? Sabi niya, pag-aaralin niya tayong dalawa sa private school. Sabi niya, maski anong school sa college at maski anong kurso ang gustuhin nating kunin, kaya niyang tustusan. Tayo namang mga uhuging kuting, naniwala agad. Pala, ang kahihinatnan eh ipupublic din ‘tong mga gifted neurons natin. Dami niyang pangako na puro pala bula. Kaya nga sabi ko sa sarili ko hindi pwedeng ganto na lang lagi. Nagsumikap ako para hindi mo na maranasan yung mga naranasan ko nung nasa college pa lang ako. Di bale nang magutom dahil wala akong pambili ng pananghalian basta may baon ka lang. Di bale nang saktong pandalawang araw lang ang dapat sana’y isang linggong baon ko para may maiakyat lang si mommy para sa allowance mo. Di bale nang di ako umattend ng acquiantance namin para lang makasama ka sa educational fieldtrip niyo sa Maynila. Di bale na ‘ko para lang sa ‘yo. Dadalawa na nga lang tayong mag-utol. Sino pa bang magtutulungan?

Congrats! Engineer ka na!

Sayang lang at hindi na naabutan ni Cool Granny Carmen ang napipintong tagumpay natin bilang mag-utol. Tanda ko pa. Sabi niya no’n, napakaswerte pa rin daw natin maski na nawalan tayo ng materyal na yaman sa pag-alis ni daddy. Kasi binigyan daw tayo ni Lord ng gifted genes para batakin ang mga hamon ng buhay. Dahil sa sobrang himutok, nasabi ko sa kaniya dati na kung na kay daddy sana tayo, kung pumayag lang si mommy noon, malamang sa malamang eh baka sosyalera’t sosyalerong conio na tayo sa Ateneo at La Salle. Alam mo ba ang sabi ni Cool Granny Carmen? Mauuna raw ang hirap kaya wag raw tayong mareklamo. Pasasaan ba’t sarap ng nakaririwasang buhay raw ang aanihin natin balang araw. Sadya raw ganun ang tadhana. Hindi ako kumibo noon kasi ayokong maniwala. Sa isip-isip ko, makabagdamdamin ang tinuran mo Cool Granny Carmen pero ang words of wisdom ninyo ay hindi makapagtatahan ng kumukulong sikmura at hindi makapagtatapos sa dalawang batang henyong pinagnakawan ng sandigan at kailangang kayamanan. Ngunit ngayon eh napagtanto ko na rin ang lahat. Malaman pala ang malupit na banat niyang yun. Iyon at iyon din ang naging kalasag ko sa tuwing tila tinatablan na ko ng pagod at pagkabagot at di-miminsang pagtatangkang isuko na ang lahat dahil sa tingin ko eh napakalaking responsibilidad ang sapilitang iniwan sa’kin ni daddy at di ko na kayang tiyagain pa ito. Kung nasaan man si Cool Granny Carmen ngayon, pihado akong matuwid sitang nagmamatyag at gumabagay sa’ting dalawa. Hawak ang isang boteng shoktong (paumanhin, hindi ko alam ispelingin ang pang-matandang alak na ito), may Cool Granny Carmen rest in world and eternal peace!

Congrats! Engineer ka na!

Pag umuwi tayo sa probinsiya, hindi na ako ang laging bida tulad ng lagi mong ikinayayamot. Pag-uwi natin dun, ikaw na ang bukambibig sa buong compund, sa buong block natin. Hindi ka na ma-OOP. Dati-rati, pag may importanteng lakad sa ating pamilyang extended, sabi mo laging ako ang sinasama. Ikaw hindi. Kasi kamo ako may trabaho, samantalang ikaw eh isang hamak na estudyante pa lamang. Pero ngayon…ngayon, ikaw na ang bida pag-uwi natin. Kasi licensed Electronics and Communications Engineer ka na. Sa madaling salita, mas bigatin ka na kesa sakin ngayon. LOL!

Congrats! Engineer ka na!

Ilang araw pagkatapos ng oath-taking niyo, magkakatrabaho ka na. Mabibili mo na maski anong gusto mong bilhin. ‘Yung hindi kayang ibigay satin ni mommy, makukuha mo na. Mapapalitan mo na yang cellphone mong lagi mong idinaraing sakin. Bibilhan naman talaga kita eh. Nag-iipon pa lang kasi ako. Sabi mo sakin, maski na yung tig-isang libo lang na fake Nokiang China phone. Ayoko. Kasi gusto ko, pag binilhan kita yung gusto mo, yung hindi ka mahihiyang ilabas kapag nagtetext ka sa daan. Ano na nga ba yun? N70 ba yun? Pero malamang sa malamang, mauunahan mo na kong bilhin yun pagka nagkatrabaho ka na. Di bale, bili na lang tayong laptop hane?Congrats! Engineer ka na!

Proud na proud ako sa’yo dahil may utol na kong professional. May mailalagay na rin tayong malaking karatula sa compound natin, yung may malalaking letrang kulay silver tsaka black sa parang hugis kuwadradong aluminum ata yun. Dinaig mo na nga talaga ko ngayon. Nung nasa hayskul pa lang tayo, lagi kang kinukumpara sa ‘kin ng mga teachers natin. Na siya namang kinaiinis mo. Kasi maski anong gawin mo, lagi na lang nakabuntot ang kadakilaan ng kuya mo. Hehehe. Lagi na lang si kuya, si kuya, ang nayayamot mo pang sabi. Ako lagi ang bida, ikaw laging pumapangalawa. Maski na nung grumadweyt kang valedictorian, kakambal pa rin ang pagkumpara kung sino satin ang mas magaling lalo na’t pareho tayong nanguna at magkasunod na batch pa. Ngayon, nasa ‘yo na ang huling halakhak. Naungusan mo na ang kuya mo. Ikaw na ang nagwagi. Professional ka na eh.

Congrats! Engineer ka na!

Kung alam mo lang kung gano kasaya ang kuya mo ngayon. Lagi kitang binibida sa mga kaibigan ko, sa mga kakilala ko. Nung gabi ngang lumabas yung exam results, bangenge ako nun. Napatumba namin ni Pareng Gerald ang apat na litro ng Red Horse kakaantay ng results. Chineck ko ng alas nuebe. Ala pa. Balik ng apartment. Tagay. Tiningnan ko ule ng alas-diyes. Pucha! Ala pa rin. Balik sa bahay. Tungga ule. Nagtext ka ng alas dose y medya. Sabi mo, “Kuya, pumasa ako.” Naknamputeek! Nabasa ko alas kuwatro y medya na. Pero hindi na ko nakatulog nun. Sino ba namang kuya ang mahihimbing ule sa pagtulog matapos niyang malamang pasado na ang utol niya?

Congrats! Engineer ka na!

O yan, abswelto na ko sa’yo ha. Sarili ko naman aasikasuhin ko ngayon. Balak kong magresign next year sa pagiging call boy para paghandaan naman ang dapat sana’y matagal ko nang tinapos na propesyon. Magwa-wanyir review ako. Gusto ko kasing mag-top sa CPA Board. Hehehe. Tayog ng pangarap ng kuya mo no? Parang sarangggola ni Pepe. Yaan mo nang kuya mong mangarap. Malay mo, di ba? Patataubin natin mga nagfi-feeling-feelingang Ivy League schools dito sa Maynila.

Congrats! Engineer ka na!

Pero wag ka munang mag-aasawa ha. Kinausap ko na si Jon. Pinauna ko nang marami pa tayong pangarap para satin, para kay mommy. At naintindihan naman ako ng boypren mong Magna Cum Laude. Ba’t nga pala Bossing tawag sa’kin nun eh pagkalaki-laking tao. Laking bulas nga eh. Mas malaki pa sa ‘kin. Sabi nina Pareng Gerald, ala raw akong panama sa laki ng katawan niya. Sabi ko naman, ala sa laki ng katawan yan. Pag galit ang tao, galit talaga. Pareho ang tingin sa lahat. Sabagay, mabait naman si Jon eh. Alam niya yung hirap natin. Pero hanggang ngayon, hindi ko alam ba’t ikaw nagustuhan nia? Siguro, kapareho mo lang kuya mong makarisma. Wahehehe. Ayos lang sakin ang date-date niyo. Basta wag lang kayong gagawa ng bagay na ikasisira ng tiwala ko. Malaking bata ka na. Malaking bata na siya. Alam niyo na ang mali sa tama. Kaya behave ha. Higi’t lalong wag na wag kang magpapakita sakin na puro tulo-uhog. Good shot pa naman na siya sakin. Heaven knows I’ve done know wrong but Gawd knows what I can do. Hindi yan threat.

Congrats! Engineer ka na!

At congrats din sakin. Kasi sa wakas, magkakalablayp na ko! May pang-date na ko eh. Yahoo! Magpapainom ako!