Pages

Maling Akala


Uunahan na kita.

Hindi talaga ko palakaibigan sa teleserye ng totoong buhay. Kung sakali mang naging babae ako at napasama halimbawa sa kung anumang pipitsuging barangay beauty contest, asahan mong ako na ang pinakahuling babaeng nagpautong magsuot ng "tupis" na maaaring pagkalooban ng Miss Congeniality award ekek.

Dahil sa totoo lang, tulad ng malimit ko nang sinasabi noon sa dati kong e-bahay, allergic talaga ko sa tao. Hindi ako mahilig makipagharutan sa mga taong ang bisyo sa buhay eh makipag-EB at makipagsexmate textmate lang sa kung sinumang maharot at nabuburyong na walang silbing nilalang. Wala akong account sa Multiply, Plurk, Twitter, Facebook, at kung anu-ano pang social site ekek at ang kaisa-isang Friendster account ko na pinilit lang ipagawa sakin ng utol ko eh minsan sa isang bughaw na buwan ko lang nabibisita.

Hindi dahil sa panget ako at kasing asim ng kilikiling hitik sa mamasa-masang libag ng isang Moymoy Palaboy sa España ang pagmumuka ko. Gusto ko lang talagang magsulat nang walang nakakakilala sakin para walang manghahablot sa boxer brip ko sakali mang dumaan ako't nakita mo ko sa Ayala pressure sa patuloy na pagtipa ng SSDD kronikels sa makamundong Pinoy sangkablogosperyohan. Dahil kuntento na kong nakamasid lang sa sidelines. Dahil ganun kahalaga sakin ang tagong identidad ko.

Maliban na lang kung itinuring na kitang ka-wavelength ko na madalas sa madalas eh nasasakyan ang kabalahuraan-idyosingkrasiya ko rito sa blogosperyo't nalalaman kung kelan ako nagseseryoso at kelan naman ako nagpapaka-tamang kengkoy lang. Hindi kita kakausapin at pag-aaksayahan ng kakarampot kong oras kung hindi ako natutuwa sa pagiging kaututang-dila mo. Pero sa oras na napatunayan mo saking hindi ka kabilang sa mga nilalang ng lipunang kinamumuhian ko, hindi na ko mangingiming kulitin ka tulad marahil ng makulit na pagdantay ng palad ng tatay mong ma-L sa bewang ng nanay mo habang patulog sa gabing malamig at buntis ang buwan at walang masyadong pinagkakaabalahan.

Ngunit kalakip ng mailap na pagtitiwalang 'to eh umaasa akong alam mo kung saan mo ilulugar ang sarili mong pagkakahumindig higi't lalo sa mga pagkakataong umiiral ang pagka-tarantado ko. Kasama na sa ekspektasyong 'yan ang paghahanda sa katotohanang maysa-barubal ang pag-iisip ko na hindi mo makikita sa mga pangkaraniwanang androids ng lipunan.

Inilatag ko nang lahat sa mesa ang maaari mong kainin. At kung pinili mo pa ring maupo sa mesa at tikman ang mga nakahaing putahe, 'wag kang maglupasay at mag-astang ikaw ang kawawa kung saka-sakali mang maalat ang minatamis na mangga at lasang dinuguan ang inorder mong tinola. Ginusto mong kumain sa karinderyang 'to nang walang sinumang nag-uutos, panindigan mo ang desisyon mo.

Hindi porke natutuwa ako sa'yo eh sapat nang dahilan 'yun upang maisip mo ang mga bagay-bagay na napakalayo sa hinagap ko. Hangga't hindi namumutawi mismo sa talentadong dila ko, 'wag mong bigyan ng ibang pakahulugan ang mga bagay-bagay na ordinaryo lamang para sa sarili kong batayan. Maaaring maharot ako pero utang na loob, 'wag mong isalaksak sa kukote mong kumekerengkeng ka dahil kinekerengkeng kita. Pagnilayan mo sanang ako ay isang taong hindi normal ang kilos sa lipunang parang sirang plakang paulit-ulit na pinapatugtog ang mga jologs na kantang Ingles na walang-hiyang isinalin sa Tagalog.

Kaya naman kung saka-sakaling ang mga bagay-bagay na sa tingin ko'y normal sa isang pagkaKAIBIGAN eh nabibigyan mo na ng ibang pakahulugan, wag mo sanang bigkasin ang salita sa paraang maragsa. Iba ang pagbigkas sa salitang pagkaKAIBIGAN kumpara sa salitang pagkakaIBIGan. Maaaring pareho sila ng baybay pero napakalaking pagkakaiba ang bigkas sa dalawang hawig na salita. Wag mo kong subuan ng mga salitang iluluwa ko rin lang dahil hindi ko rin naman talaga gustong tikman sa simula pa lang.

Wag mo rin sanang sabihin na wala akong urbanidad at nilalapastangan ko ang pagkatao mo dahil lang sa pag-aakalang nakamamatay ang binitawan kong putak-utak sa'yo. Marahil nga ay nagkamali ako ng pag-aakalang mauunawaan mo na ang kakaibang lenggwaheng ginagamit ko. Pero dapat mong malaman na sa simula pa lang nang ibigay ko sa'yo ang tagong identidad ko, malaking respeto na ang walang pasubali kong ibinigay sa'yo. Hindi ko isinusumbat ngunit naisip mo na bang ang pagtatanggal ko ng maskara ay nakalaan lamang para sa piling tao rito sa blogosperyo? Mapalad ka kung ganun dahil ipinasiya kong isa ka sa mga taong gusto kong makilala sa labas ng patay na komplikadong kwadrado.

Ngayon, kung sa tingin mo eh pinahiya kita sa ginawa ko nitong nakaraan lang (na wala naman talaga akong intensyon), humihingi ako ng dispensa. Hindi ko 'yun sinasadya. Muli, hayaan mong gamitin kong kalasag ang pag-aakalang talos mo na ang idyosingkrasiya't tagong pagkatao ni Lio Loco. Ngayon alam ko nang hindi mo pa nga ako lubusang kilala.

Hiniling mong lumayo ako sa'yo para maghilom ang kung anumang sugat na idinulot ko sa'yo nang di ko man lang nalalaman. Hayaan mong sabihin ko sa'yong tutuparin ko ang kahilingang 'yan nang walang agam-agam. Pero 'wag mo sanang pagsisihan ang desisyon mong ito sa bandang huli. Dahil kung itinuturing mo ang lahat bilang matalim na punyal, maaari palang maging kasangkapan ito para sa iba upang manamnam ang lasa ng steak sa porselanang platong nakahain sa mesa.

At para naman sa iba pang mga taong mag-aakalang ako na ang lalakeng magsasakatuparan ng kahibangang mala-engkantadang kuwento nilang magtatapos sa walang hanggang kasiyahan? Mahirap hanapin ang taong nakatakdang maging karapat-dapat sa'yo kung paulit-ulit mong ipagduduldulan sa sarili mong kabuktutan na ang taong kaharap mo ngayon eh siya na ngang nakatakda para sa'yo.

Paumanhin sa nauna ko nang binitawan. Pero sa puntong ito, kung ganito rin lang ang maaaring kahinatnan ng lahat, mas nanaisin kong muling punan ng itim na tigidig ang katauhan ko at bumalik ule ang unti-unti na sanang pagkawala ng pagiging allergic ko sa tao.