Pages

Death Note (The Last Post)



O, nabuhay ka! May pa-RIP RIP ka pang nalalalaman eh babalik ka rin pala. Alam mo sa totoo lang, ang kulet ng lahi mo!

Hmmkeipayn. Oo na. Matigas talaga ang ulo ko. Tama ang sinabi ni Pareng Kosa.Pogi na kapag nasimulan mo nang mahumaling sa pagtipa ng mga kabulastugan sa buladasphere, hindi ka na makakawala sa mapang-akit na samyo nito. Parang kolehiyalang basang-basa sa ulan at nakadampian mo lang ng mamasa-masang braso sa masukal na parte ng Recto. Mas ma-L pa nga kung minsan.

Hindi ko alam kung dala lang 'to ng kasabikan sa lahat ng mga bagay-bagay na tinalikuran ko nang sapilitan alang-alang sa napipintong pagtupad ng buwakanginang pangarap kong maging CPA. Pero sa puntong ito, walang patid ang pag-uumigpaw ng mga ideya't saloobin ng kukote kong naisasabuhay ng mga nag-uunahang daliri kong ngayon eh walang inatupag kundi pumindot nang pumindot ng kepyas kalkyu. Eto na nga ang tinuran ng siraulong nilalang na animo'y ako tatlong taong pabalik na pangangati ng mga kamay ko't muling pagbisita sa harayang sinimulan kong ukitin noon.

Nawala ako ng humigi't kumulang isang buwan. May nagbago ba? Wala naman masyado. Nagbida ang de-nunal na nilalang sa Malacañang. Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga mamamayang nagdarahop-nagugutom sa Pilipinas. Paramihan ng commercial ang mga papoging presidentiables. Nawala na nang tuluyan ang kinang ng magiting na simbolo ng demokrasiya. Buhul-buhol pa rin ang bituka ng trapik sa Maynila. Nakapang-iinit pa rin ng ulo ang walang hiyang pagbusina ng mga tarantadong jeepney drivers sa kalye. Parami nang parami ang mga kupal nilalang na walang silbi ang pagsuso sa lipunang kulubot na ang utong.

May nagbago ba? Wala naman masyado. Bumaha lampas-bewang sa España. Nakuryente ako dahil nakalublob sa nang-uuyam na tubig-baha ang outlet kung saan nakasaksak ang TV sa dormitoryong pinagkukutahan ko (na hindi ko naman siguro ikakabaog, di ba?). Pinanood ang HBP at hindi natuwa sa ginawa ng pukenginang si David Yates. (Napaka-bland ng huling bahagi ng pelikula. Asan ang tension at drama sa pagtutuos ni Malfoy at Dumbledore? Tae talaga 'tong si Yates. Ni hindi ko man lang nasulit ang bayad ko sa sinehan.) Nagsunog ako ng kilay kakarebyu. Nakipaglandian-nagpacute sa mga classmate na quality chikas sa review center. At tulad ng dati, marami pa ring magagandang kolehiyala na masarap papakin sa U-Belt.

May nagbago ba? Bukod sa manaka-nakang pagdalaw ng mga nilalang na naligaw ng landas sa kutang 'to at pag-iiwan ng bakas-comment sa mga naisatitik ko na, wala naman talagang nagbago. Dahil patuloy ang pag-ikot ng malaki't malawak na sapot kasama man ako sa pag-inog nito o hindi. Dahil kaniya-kaniya tayo sa patuloy na paghulma-paghabi ng mga tagpi-tagping kwentong bubuo sa sarili nating pagkakakilanlan batay sa sarili nating batayan.

Marami akong gustong ikwento. Maraming mga idyosingkrasiyang nais iparating sa kung sinumang nilalang ang maaaring maligaw ng landas sa bulagspot na 'to. Gusto kong idulog 'to sa mga kawavelength kong nakakatalos ng mga kasalaula't pagninilay-nilay kong dulot ng matamang pagmamasid sa lipunang hubad pa rin sa karunungan at pang-unawa. Pero sa tingin ko hindi ito ang tamang panahon para ilahad ang mga 'to. Hindi ito ang tamang oras para sabihing ilang linggo na kong celibate sa lahat ng bagay na dati-rati'y siksik-liglig ako. Oo, hindi ka nagkamali ng basa. Sa. Lahat. Ng. Bagay. Bahala ka nang magpalawig sa imahinasyon mo.

Habang pasuray-suray ang mga mahahabang daliri ko sa keyboard ngayon, sariwa pa rin sa utak kong nagpapa-palpitate at nagka-hemorrhage ang mga konsepto ng lower of cost or fair market value in determining the balance of the ending merchandise inventory, ano ang present value ng isang P5M debt instrument maturing after 10 years with a yield rate of 10% and a nominal rate of 8%, ano ang pagkakaiba at pagkakahawig ng payment in cession at dacion en pago, at kung magkano ang taxable net income ng isang non-resident alien engaged in trade or business in the Philippines.

Ampotah! Matapos ang ilang linggong pagtulog ng apat na oras sa isang araw, paglayo sa lahat ng uri ng tukso't kamunduhan, pagkakakompromiso ng sarili kong kalusugan, pagtanggi sa alok ng walang kasing sarap na serbesa, at pag-abandona sa blog na 'tong itinatangi ko nang lubusan, eto't ikinalulugod kong ipaalam sa lahat na tapos na ang buwakananginang First Pre-Board Exams sa rebyu-rebyuhang school na pinapasukan ko. Ganito siguro ang feeling ng babaeng kinaladkad-ginahasa ng isang batalyon ng mga rugby boys sa España. O ng binatilyong tsinupa ad infinitum ng mga makabagong Eba sa tagong lunan ng Recto. Parang naubos lahat ng neurons sa kukote ko. Latang-lata. Walang laman. Said kung said ang labanan.

Ahm...Pasintabi pala sa mga nilalang na naligaw ng landas edad disesyete pababa. R18 content. Parental guidance is advised. Baka ma-MTRCB tayo ni La Guardia.

Tapos na ba ang kalbaryo? Gusto kong isiping ganun na nga. Pero hindi araw-araw pasko. Hindi araw-araw eh sasayawan ka ng mapang-akit na pige ng buwakanginang kapalaran. Dahil dalawang buwan mula ngayon, muli na namang puputok ang mga ugat sa utak ko para sa Final Pre-Board Exams. At pagkatapos nun eh magsisimula na ang totoong full-time six-month review. Doon na, sa puntong iyon, magsisimula ang totoo kong pakikipagsapalaran. Eto na 'yun. This is truly it!

Kasabay ng nakapanghihinayang na paglipad ng humigit-kumulang bentesingko mil buwan-buwan sa pag-alis ko sa putahan, muli kong babalikan ang matagal ko nang nabatak na buhay-palamunin ng isang estudyanteng umiikot ang mundo sa alak at allowance. Pero sa kaso ko, burado ang alak sa sistema. Pati na ang kalokohan-kamunduhan-kahaliparotan ng isang estudyanteng reviewee. Dahil kelangan kong magpakadalubhasa pa ng anim na buwan sa kursong tinapos ko bilang pagtupad sa napipintong pagkamit ng buwakanginang CPA pangarap na 'to.

Iniisip ko pa lang ang lahat ng pwedeng mangyari eh nasusuka na 'ko. Gusto kong pasagasaan sa tatlong nag-uunahang pison si Luca Pacioli, ang taong puno't dulo ng lahat ng kabaliwang ito. Nais ko ring ibitin patiwarik ang nakaimbento ng taragis na CPA Board Exams, sampu ng mga alagad niyang nagdunung-dunungan sa putanginang panahon nila. Tae talaga.

At tuluyan na nga akong nag-rant. Huhlolz!

Sa pagkakataong ito, gusto kong magpasalamat sa lahat ng nakaututang dila ko sa napakaikling panahong naglandian tayo. Marami akong nakilala. Maraming nakadaupang palad. Hindi ko man tahasing aminin, malaki ang pinagbago ng pananaw ko sa pagkakasalampak ng tumbong ko sa mga blog niyo. Natuto ako ng maraming kalokohan. Naging makulet sa maraming e-bahay. Nakipag-batuhan ng kuru-kurong intelektwal sa mga cyber taong tulad ko ring malalim ang balon ng kaalaman. Nakipagsabayan sa kaangasan-kaemohan ng mga nilalang na hindi nawawala ang itim na eye-liner sa mata. Nagpakagago't tarantado sa mga mas gago't tarantado. Nakipagbasagan ng trip sa mga lango sa sariling echas. Nagpakyut sa maraming blogistang chikas. Nakitamang-tawa lang.

Sa kasamaang palad, meron din pala akong nasaktan sa pagtipa ng mga idyosingkrasiya-kabalahuraan bilang The SSDD Boy. Na uulitin ko, hindi ko intensyon. Sa nilalang na iyon na hindi ko sinadyang paiyakin-bigyan ng sama ng loob, walang pagngingitngit na paumanhin. Aaminin kong sumama ang loob ko sa mga binitawan mong salita. Pero tapos na 'yun sakin. It does not do well to dwell in the past. Sa tingin ko naman eh tuluyan na nga akong nawala sa sistema mo. Masaya ako sa kasalukuyang takbo ng mga pangyayari sa buhay pag-ibig mo. Kung sakali mang muli akong magbalik at muli tayong magtagpo, maaari ko sanang asahan ang walang kasing kulet na palitan ng kasalaulaan tulad ng dati nating nakagawian.

Kung napagtiyagaan mo ang pagbabasa ng mahaaaaaaaaaabang post na 'to (Oo na...trademark ko na ang mahaba! Ergo, mahaba rin ang...ahem! Huhlolz!), lilinawin ko lang na hindi ito ang muling pagbabalik ni Lio Loco. Ito ay post ng tuluyang pamamaalam. 'Yung pormal. 'Yung mukang di naman gaanong balahura at babara-bara ang pagkakagawa. Dahil napansin ko lang. Napakapanget palang pamamaalam ng sinundang post nito para iwan bilang bakas.

Sampung buwan lang naman ang pansamantalang pamamaalam na 'to. Lang. Parang napakasimple eh no? Alam ko namang sa tatlong daang araw na 'yun, marami nang pwedeng mangyari. Mawawala na ko sa makulet na sistema ng Pinoy Buladasphere na sinamba-minahal ko ultimo kasula-sulasok na utot nito. Darating ang mga bagong blogger na magpapakaangas at bibigyang depinisyon sa sariling pananaw ang mga bagay-bagay na maaaring nasabi ko na o sasabihin mo pa lang. Isang libo't walong daang oras mula ngayon, tuluyan nang mawawala ang bakas ng blogging nirvana na unang natamasa ng makulet na bastard blogger na 'to. Parang si L. Lawliet lang matapos maisulat ang sariling pangalan sa Death Note.

Haays...Buhay nga naman. Lagi na lang may pang-asar. Lagi na lang kupal. Lagi kang papipiliin sa dalawang bagay na alam naman niyang parehong gustung gusto mo. Mamimiss ko talaga 'to. Mamimiss ko ang blog ko. Mamimiss ko kayong lahat na naligaw ng landas dito.

Pero tama na muna ang satsat. Naghihintay na ang malamig na kampay ng Pulang Kabayo patungo sa nananabik na lalamuna't adam's apol ni L. At wag mo kong sumbatan. Ang pag-abstain ko sa alak eh magsisimula pa lang sa Oktubre, sa pagsisimula ng full-time review ko. Hanggang sa muli nating pagkakadaupang palad mga kawavelength!

Yebah!