PBA09457343oAlam mo kung saan pwedeng maihalintulad ang pagba-blog? Sa seks. Oo, sa mainit-init na seks, walang halong biro at malisya.
Dahil tulad sa pagtikim ng luto ng diyos, nakakaadik ang pagbablog. Masarap tumipa ng mga kabalahuraang itatapon mo sa Intarnetz at pupulutin ng mga taong hindi mo naman kilala nang personal pero matutuwa-mamamangha sa produkto ng putak-utak mo.
Sa simula, kabado ka. Mangangapa sa kung pano ba ang tamang posisyon ng mga titik at salita. Pagpapawisan sa paggawa ng mga blog post na tingin mo eh swak na sa panlasa mo pero walang kwenta pa pala kapag binasa ng iba. Newbie. Bagito. Baguhan. Isipin mo ang lalakeng bida sa 40-Year-Old Virgin. Ganun. Ganun na ganun na parang walang kamuwang-muwang sa mundo ng blogosperyo.
Pero habang tumatagal, mas nagiging gamay mo na ang sistema. Pabilis na nang pabilis ang daloy ng mga ideya. Nag-uunahan na ang mga saltik ng dila. Mas nagiging kampante ka na sa pagtitipa dahil nahuli mo na ang tamang posisyon, ang tamang kiliti ng iyong mga mambabasa. Magsisimula ka nang makipaglandian sa ibang mga blogger. Parang maharot na dalagitang panay ang pagkerengkeng sa harap ng tindahan ni Aling Nena.
Hanggang sa umabot ka na sa rurok ng point of no return na blogging nirvana. At doon mo mapagtatantong masarap pala mag-blog. Nakakaadik. Nakakahigh. Parang seks nga lang.
Sa ilang buwang pagtitipa ko ng mga kabalahuraan sa pook-sapot na 'to, nakatutuwang isiping marami na kong nakasalamuhang mga nilalang na itinuring ko nang mga kawavelength ko. Mga taong bogus ang muka pero sa palitan pa lang ng mga kuru-kuro sa maliit na pambihirang kuwadradong sinimulang imbentuhin ni Charles Babbage, alam mong hindi malayong magklik kayo sa teleserye ng totoong buhay.
Dito rin sa pagba-blog na 'to ako unang nakasagupa ng mga troller na nanlibak sa istilo ng panulat ko. Na wala naman talaga kong pakialam dahil unang-una, hindi ko ipinagduldulan sa kung sinumang nilalang ang mga putak-utak ko. At dahil ga-bulbol lamang sila kumpara sa malagong listahan ng mga naligaw ng landas ditong natuwa-namangha-nakiayon sa mga idyosingkrasiyang inilatag ko rito sa Intarnetz.
Simple lang naman ang batas dito sa blogosperyo: kung hindi mo gusto ang inilalako ng isang karinderya, wag mo nang pintasan at lumipat ka na lang sa ibang kainang swak sa panlasa mo. Kung hindi mo trip ang binabasa mo, malaya mong maisasara ang web browser. Walang basagan ng trip. 'Yun lang 'yun eh.
Napakarami nang mga bagong blogger na nagsulputan ngayon sa Intarnetz. Kaniya-kaniyang trip. Kaniya-kaniyang kabalahuraan. Kaniya-kaniyang moment. May tamang emo. May tamang pa-kyut. May tamang patawa. May tamang seryoso. May tamang wala lang talaga. Pero hindi tayo diyos para pagbawalan silang ilahad ang sarili nilang opinyon kahit paulit-ulit nang nasabi 'yun ng iba.
Dahil sa totoo lang, naniniwala akong walang orihinal na ideya. Maaaring nasabi ko na noon pa ang gusto mong sabihin sa susunod na linggo o pwede ring ang nailahad ko rito eh nabanggit mo na noon pa. Pero wala pa rin akong karapatan na angkinin ang puntong iyon sa parehong dahilan na hindi mo rin pwedeng sabihing plinagiarize lang kita. Dahil naniniwala akong maaaring nauna lang ako o ikaw lang ang nahuli sa paglalahad ng punto. Digs mo?
Sige. Para hindi ka masyadong maguluhan. Gamitin nating halimbawa ang maalamat na pagsikat ng astig na anonymous author na si Bob Ong. Pansin mo ba kung bakit mahal na mahal siya't iniidolo-sinasamba ng mga common tao magpasahanggang ngayon maski na nawawala na ang kaniyang orihinal na kinang na makikita sa kaniyang mga naunang akda? (Oo, hindi ko nagustuhan ang Kapitan Sino; wala na kasi ang kakaibang wit at kiliting una kong nakita sa ABNKKBS, Bakit Baligtad, at Libro Ni Hudas.)
Dahil si Bob Ong ay repleksiyon ng kolektibong boses ng ordinaryong Pinoy na hitik sa imahinasyon at natatanging idyosinkrasiya't (idiosyncrasy) sariling gawi sa lipunang puno ng kabalbalan at kabalahuraan. Ang mga akda niya ay sumasalamin sa kakaibang kaugalian at tradisyon nating mga Pinoy, bagaman at inilalahad niya ang mga ito sa paraang nakakakiliti ng tumbong at hindi nakakaumay.
Pero naisip mo na rin bang ang mga sinabi niya eh maaaring nasabi na rin ng iba? O maaaring sasabihin pa lang ng iba? Mapalad siya kung ganun dahil meron siyang Visual Print Publishing na nagsisilbing tagapamudmod ng kaniyang mga ideya upang maipaabot sa mas marami pang mambabasa. Na hindi kelanman matatamasa ng iba pang manunulat na kasing-galing o heck, mas higit pa sa galing at talas ng kaniyang panitik.
Kaya nga meron tayong outlet na tinatawag na blogging. Sa paraang ito, maaari mong sabihin ang mga nasabi na ni Bob Ong sa panulat na iyong iyo lang at walang halong pagpapanggap at walang bahid ng kung anumang plagiarism. O maaari mo rin siyang unahan sa mga ideyang hindi pa niya nailalathala.
Ulet. Walang orihinal na ideya. Pwede siguro sa istayl ng panulat, pero ang puntong nais iparating? Lahat ng mga 'yan eh nagpasalin-salin na sa iba't ibang manunulat sa iba't ibang panahon.
Kaya nga gusto kong sabihin na napakalaki ng makamundong Pinoy blogosperyohan para magdamutan tayo. May espasyo ang lahat. Kasya ang lahat ng blogger na may gustong sabihin - Jurassic man yan sa kalumaan o parang 40-Year-Old Virgin lang. Mas maige nga kung tayu-tayo mismo ang magtulungan upang gawing sikat ang mga karapat-dapat maging sikat.
At 'yung wala namang kapag-a-pag-asang maging sikat dahil siya lang at ang nanay niya ang nagbabasa ng blog niya? Bigyan mo ng konting pansin. I-share mo ang self-esteem na kulang sa katauhan niya. I-feature mo sa blog mo at nang sa ganun eh may manaka-naka namang maligaw ng landas sa kuta niyang loyal reader mo. Dahil naniniwala akong lahat ng blogger, may kakayahang sumulat ng astig na akda. May kakayahang maging isang Bob Ong in da not-so-distant pyutyur.
Ano ang gusto kong tumbukin? Wala lang naman. Gusto ko lang bigyang pugay ang mga pioneer bloggers na naging inspirasyon ko para magsulat at bigyan ako ng lakas ng loob para itayo ang pundasyon ng e-bahay na 'to. Sila ang masasabi ko nang haligi ng parteng ito ng Pinoy blogosperyo dahil sa tagal at dami na ng laway na idinura sa Intarnetz.
Sinu-sino sila? In no particular order:
Si Kuya Badoodles - ang idol ko at Bossing ng buong sangkablogosperyohan na muling nagbabalik matapos mapagtantong magkakaron ka pala ng kahati sa suso ng asawa mo sa oras na magkaron ka na ng beybi gel. Si Green Pinoy na Pilipinong makulet na minsan sa bughaw na buwan ko lang napapasadahan dahil blocked ang lecheng datkom sa putahan. Si Efbee na hanggang ngayon eh missing-in-action pa rin. Tangina, Kokey Monster, magparamdam ka na! Si xG na walang kupas ang talim ng mga panitik at karisma at isa sa mga krasness ko rito sa blogosperyo. Si Malditong Tae na tatlong taon na rin palang nakikipaglandian kay Mystica at ngayon eh kumekerengkeng-nanliligaw kay Aling Dionisia. Sina Jeck at Gasti na malupet ding bumira sa kani-kanilang mga blog. At si Kevin na naging kaututang dila ko sa wikang una kong minahal.
Maaaring hindi niyo kilala ang karamihan sa kanila pero ang mga Jurassic bloggers na 'to ang mga pioneer sa pananaw ko at nagsilbing dahilan para marating ko kung anuman ang narating ko ngayon. Hindi ako nagbubuhat ng sarili kong bangko at nakikipagpataasan ng mapanghing ihi sa kung sino mang talipandas. Pero sa estado ng pagiging isang blogger ko ngayon, masasabi kong malaking improvement na siguro ang kung ano ako ngayon kumpara sa nung nagsisimula pa lang ako.
Kaya naman sa puntong ito, nararapat din sigurong ibigay sa iba ang pagkilalang nararapat sa kanila. Oo, nahulaan mo. Entry ko 'to sa Top 10 Emerging Influential Blogger pakontes ni Miss Janette Toral at ang haaaaaaaaaaaaaaaaaabbbbba nga ng intro ko. Ganiyan talaga. Double purpose. Typical SSDD Boy blog post and at the same time eh contest entry. Hehe. Salamas pala kung nakarating ka na sa puntong ito at hindi ka pa rin inantok sa pagbabasa.
Wala sanang magagalet sa mga madalas maligaw ng landas dito kung hindi kayo napasama sa listahan ko. Ang sa akin lang, hindi dapat iniimpluwensiyahan ng pagkakaibigan ang desisyon mo sa kung sino ba talaga ang pinakamaimpluwensiyang blogger para sa'yo. Kung kaibigan mo talaga 'yang mga 'yan, maiintindihan nilang ang pagpili mo eh base lang sa sarili mong pananaw. Walang halong personalan.
Sa totoo lang, napaka-subjective ng pang-uring "influential" o maimpluwensiya sa wikang bernakyular. Dahil ang influential para sa'yo eh maaaring hindi influential para sakin. Sa madaling salita, dahil sa pagkakaiba-iba ng panlasa, hindi malayong ang labanan eh mauwi lang sa palakasan sa ibang bloggers o hindi kaya eh hakot crowd system. Na wala rin namang kaso sakin dahil wala namang nagbabawal na mangampanya ka sa iba.
Kung hindi ako nagkakamali ng bilang, limang nilalang ang nagnomina rin sakin sa pakontes na 'to at itinuring akong influential blogger para sa kanila. Na laking pasasalamat ko naman maski na hindi ko hininging iboto nila 'ko. Sa simula't simula pa lang, hindi ko na inasahang mapapasama ako sa listahan dahil alam ko namang supladong blogger talaga ako (na aaminin kong unti-unti nang nawawala, salamas sa inyong lahat ng mga naligaw ng landas dito) at ang pakontes eh nangangailangan ng matinding PR skills sa ibang mga bloggers.
Pero naniniwala akong mapasama ka man o hindi sa listahang 'yan, hangga't merong naliligaw ng landas sa kuta mo at natutuwa-namamangha-nakikiayon-natututo sa mga ipinagsususulat mo, sapat na 'yun para tawagin kang influential blogger.
At hindi ko na pahahabain pa ang litanyang 'to. Narito na ang listahan ni Lio Loco ng mga bagong blogs (mga blog na dapat eh sinimulan from May 1, 2008 onwards) na naging influential sa kaniya in one way or the other. Walang kinalaman ang pagkakasunud-sunod ng bilang sa listahan sa kung gaano sila naging influential sakin:
1. Writing to Exhale
- para sa malulupet na payong pang-manunulat bilang paghahanda sa long-term goal kong makapag-akda ng sarili kong nobela
2. Good Times Manila
- para sa walang katulad na hagalpak sa tawang satirikong panulat na nagsisilbing pantanggal umay ko sa kunsumisyon sa putahan dahil napaka-bobo ni Blondie Boplaks na customer ko
3. Talipandas Ang Itawag Mo Sa Akin
- para sa walang kasing lupet na talas ng pag-iisip at mapangahas kong sinasabing mas malupet pa kay Bob Ong kung babasahin ang lahat ng mga kabalahuraan isinatitik sa e-bahay niya
4. Tunay na Lalake
- para sa makalaglag-boxer shorts na pagpapaalalang ang tunay na lalake, laging nag-e-extra rice, hindi nagteteksbak at laging may tae sa brip.
5. Ang Mga Lihim ni Hudas
- para sa patunay sa kasabihang shit na walang malaking nakapupuwing at sa pagpapaalalang siya ay ako, tatlong taon pabalik.
6. Modern Patadyong
- para sa mga akdang sumasalamin sa katotohanang simple lang ang buhay at hindi talaga dapat kumplikado ang mga bagay-bagay
7. Organized Chaos
- para sa buhul-buhol na kabalintunaan-kabalahuraan sa wikang una kong minahal at pagpapatunay na ang magaling magsulat, kumakain ng libro
8. Yffar's World
- para sa mantrang nakikita ko lang sa napakakonting bilang ng mga androids at drones sa lipunang walang bayag
9. Stories from the Simian Crease
- para sa malulupet na kwentong Parekoi at inuman marathong walang katapusan
10. Ax Realm
- para sa kakaibang mundong maingat na binuo at malaon ay malayang ibinigay-pinagsaluhan sa iba pang mga bloggers ng blogosperyo
Sa totoo lang, marami pang ibang mas naging ma-impluwensiya sakin at aaminin kong sa lahat ng nabanggit sa listahan, ikaw ang pinakaimportante, ikaw na madalas na naliligaw ng landas dito. Pero hindi naman kita pwedeng ilagay sa listahan dahil ang "IKAW" ay kolektibong panghalip na tumutukoy sa lahat ng mga mambabasang tumawa, naki-emo moment, nakipagbatuhan ng sariling kuru-kuro, sumang-ayon, namangha, nanlibak, naghugas-kamay, tumambay, nakiusyuso, at nagbigay ng walang kasing kapal na "Nice post, ex-link?" comment sa bulagspot na 'to.
Para sa "IKAW" na walang sawang sumusubaybay sa mga kabalahuraan-idyosingkrasiya ko sa maliit na pook-sapot na 'to, walang humpay na pasasalamas!



