Pages

The End of The Great Bastard Blogger aka SSDD Boy? (O Kung Paanong Niribisa ng Kabalahuraan ni Lio Loco ang "Mi Ultimo Adios" ng Chickboy na si Rizal)


Pansin mo ba? Dapat kahapon 'yung scheduled post ko pero wala akong kabalahuraang naitipa. Kung isa kang masugid na tagasubaybay ng barubal na blog na 'to, malalaman mong tuwing ikatlong araw pagkatapos ng kasalukuyang post ang pagpasada ko ng panibagong idyosingkrasiya. Pero malamang sa malamang, hindi mo napansin 'yun dahil wala naman talagang matinong sumusubaybay sa laman ng putak sa utak kong nailimbag dito sa makamundong Pinoy sangkablogosperyohan bukod sa alter-ego kong naaadik ngayon sa Death Note (ise-segwey ko lang saglit: Hanglupet ng kwentong 'to. Hanep! Taob lahat ng pwedeng itaob na pelikula. Asteeg!)

Ano ang dahilan?

A. Bigla na lang nanawa si Lio Loco sa pagbo-blog dahil bukod sa wala naman akong nakukuhang kapakinabangan dito (hindi ka naman kasi nagki-click sa mga Google ads dito maski na minsan sa isang bughaw na buwan lang), kinakain lang ng walang kabuluhang aktibidades na 'to ang kakarampot na oras ko.

B. Sapilitan siyang ipinadukot ng mga kasapi ng bagong tatag na Lio Loco Haters' Club na masigasig na itinayo ng dalawang walang kwentang kupal na nagkukuta sa Primeworld Digital Systems, Inc. sa Pasig City. Kung pano ko nalaman san nagkukuta ang dalawang asungot na 'tong walang patumanggang ipinagduldulan ang saltik ng dila nilang wala akong pakialam? Sikretong malupet na lang muna. Pero nais kong ipaalam sa lahat ng naliligaw ng landas ditong magpapaka-anonymous para magcomment lang ng walang kwentang satsat: I can see you; better watch out. [evil laugh from Third World hell]

C. Nakipagtanan na siya sa bago niyang kras-slash-teammate at tuluyan nang nangibang-bayan upang mamuhay na incognito sa mata ng mapanghusgang lipunan.

D. Kulang na kulang na ang oras niya simula nang maisipan niyang mag-enrol sa isang CPA review center dahil wala lang, trip lang niyang gumastos ng sampung libong tuition fee bilang defense mechanism sa kalungkutan ng pagiging isang certified Moymoy Palaboy.

Unang posibilidad: Oo, hindi ko na tinitingnan ang ideyang maaari kang yumaman sa pagbo-blog dahil kahit naman ilang Google ads at Nuffnang commercial ang isalaksak-ikalat ko sa buong espasyo ng kutang 'to, hinding hindi pa rin kayo magkakamaling madaplis maski isang pagclick man lang. Tanggap ko nang mas mabilis pa ang pagputi ng bulbol kong nagsisimula uleng tumubo-kumulot kesa sa pagyaman ko sa taragis na mga Google Ads na 'to. Ergo, mababaw na dahilan para itigil ko ang pagsusulat ng kabalahuraan dito.

Ikalawang posibilidad: Nakatutuwang isiping maski dalawang buwan mahigit pa lang ang pagkakakatatag ng kutang 'to eh samu't saring nilalang na ang di miminsang naligaw ng landas at nagbigay ng sariling kuru-kuro sa mga sarili kong idyosingkrasiyang hindi ko isinulat para sa mga mambabasa kundi para sa sarili kong pagkakahumindig lamang. May mga kaluluwang napadaang naging ka-wavelength ko na dahil pareho kami ng asal-ugali at alam nilang hindi dapat sineseryoso ang mga bagay-bagay na nasusulat sa blog na 'to. Pero kung mamalasin ka nga naman, meron ding mga pagkakataong hindi mo mawari kung ba't pa napadpad sa kuta mo ang ilang nilalang eh hindi naman pala 'yun ang trip na hinahanap nila. Kompyusing, di ba?

Netong huli lang, bigla akong nagulat sa pagsulpot ng dalawang mambabasang nagpapanting sa mapulang galit ang mga tambol sa tenga dahil hindi raw nila gusto ang tono ng pananalita ko rito sa kuta ko.

Unang tanong: Sino ba kasi ang makulet ang lahing maysabing magpunta kayo sa site na 'to? Ikalawang tanong: Kayo ba eh sapilitan kong hinikayat na magbasa ng mga kabalahuraan dito? Ikatlong tanong: Kanino ba ang kutang 'tong bukod tanging may karapatan kung ano ang lalamanin ng mga post at hindi kung anumang ka-walangkwentahan mula sa opinyon niyong hindi ko rin naman pag-aaksayahang ikonsidera?

Para sa kapakanan ng dalawang nilalang na 'to, muli kong isinasatitik ang isang bahagi ng putak sa utak ko sa ilang lumang post ng kutang 'to:

Ito ang napakalawak na mundo ng Intarnetz kung saan lahat ng tao eh may sariling tilamsik ng laway, hiningan man o sapilitang ipinagduldulan, sa kung anu-anong kabalbalan at idyosingkrasiya; ergo, base sa matandang kasabihang nagpasalin-salin sa sansinukuban -- to each, his own. Walang pakialamanan. Dun ka sa police station magreklamo.

Kaya naman ang mga kuru-kurong nababasa mo sa bawat blog post dito eh sa ganang akin lamang at kung sakali mang hindi ka sumasang-ayon sa mga nasusulat dito, malaya kang isara ang tab na 'to at maghanap ng ibang blog na swak sa panlasa mo. Hindi kita pinipilit na sumang-ayon sakin at lalong hindi kita hinihikayat na maging kaanib ng kung anumang kultong maaaring itatag ni Lio Loco sa parehong katwiran na hindi ko maaaring pakialaman ang sarili mong kasalaulaan. Iyong iyo lang 'yan.

Simple lang ang alituntunin sa mundo ng pagboblog: Lahat ng blogger, may kani-kaniyang laway na idinudura sa Intarnetz. Kung hindi mo trip, wag kang makialam. Malaya mong maisasara ang browser mo at manood na lang ng mga walang kakwenta-kwentang palabas sa telebisyon tulad ng walang kwentang pagpapapogi ng mga payaso sa senado. Kung ayaw mo ang binabasa mo, wag kang magbasa at maghanap ka ng iba. Walang basagan ng trip. 'Yun lang 'yun eh.

At naisin man ng mga burnik sa tumbong ng mga hinayupak na 'tong sila ang maging dahilan ng pagka-hiatus ko rito sa Intarnetz, hindi rin ang mga tulad ng dalawang kupal na 'to lang ang makakapagpigil sakin para mag-blog.

Ikatlong posibilidad: Habang dumadaan ang mga araw, mas lalo akong nahuhumaling natutuwa-naiinlab (?) sa bago kong kateammate na ubod ng kyut. Hayaan niyo na kong managinip ng gising. Paminsan-minsan lang 'yan. Tutal, paalis na rin naman ako. I'm just biding my time. Kapagka nakatiyempo ako, haharanahin ko 'tong Cayin na 'to sa production floor nang bonggang bongga. Jokeness. Alam kong marami na namang stalker ang magrereact. Para sa kapakanan ng posibleng pag-usbong ng banana peelings ni Lio Loco sa mga anonymous chicks ng Intarnetz, gusto kong isiping kwentong kornik lang ang nilalaman ng talatang 'to. Mwahahaha!

Ikaapat na posibilidad: Life's a shit and that's a fact. I therefore conclude: Pak. Dat. Shit. Evening session ang pagrereview ko bilang paghahanda sa CPA Board Exams. Ibig sabihin, pagkatapos akong mapagsamantalahan ng mga bobo calls sa putahan, eto't ikokondisyon ko ule ang kukote ko sa walang patid na Accounting nosebleed sa review center. Imadyinin mo ngayon kung gano kalupet na torture 'yun sa utak. Halos labindalawang oras mong gagamitin ang synapses at neurons mo. Mas matindi pa 'yan sa pagkakapasa-pasa ng mura mong katawan sa pitong dalaginding na bading na nag-aabang sa Recto.

Nagsimula na 'yung review kagabi. 6 to 9. Mula Lunes hanggang Sabado. Pagdating sa dormitoryong minamandohan ng tabatchoy na Mojackong nireregla dahil araw-araw na lang sa pagsusungit sa mga boarders, dapla ka naman sa kama mong namumutiktik sa surot. Hindi ka pa kumakain nun. At maski gustuhin mo man, tatraydurin ka na ng katawan mong nanlalata na dahil ubos na ang lakas sa maghapong paggamit ng kukote. Suma-tutal: Itutulog mo na lang ang dapat sana'y oras mo pa para lumamon ng hapunang lageng may ekstra rice.

Pero natutuwa ako sa kasalukuyang panimula ng pagiging isang buhay reviewee ko.

Sa halos dalawang taong pagkakakalawang ng utak ko sa araw-araw na pagsagot ng mga tawag mula sa mga Blondie Boplaks sa bayan ni Obama, nakamamanghang isiping meron pa rin palang naiiwang konting kaalaman sa kukote ko. Hindi ako nahirapang makasunod sa pinagsasasabi ng reviewer namin kagabi maski na paspasan ang pagkadyot paglelecture sa tulad ko ring mga working reviewees. Nakakatuwa. Ibig sabihin, malaki talaga ang posibilidad na magtagumpay ako sa di inaasahang diskarteng 'to.

Ito ang dahilan kung bakit patanong ang titulo ng kabalahuraan ko ngayon. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi ako nakapagsulat ng post na dapat sana'y nailimbag na kahapon pa.

Mahal ko ang pagba-blog. Kahit kelan, hindi ko ipagpapalit ang kakaibang nirvana na makukuha mo mula sa samu't saring saltik ng dilang mapapaapir ka sa hagalpak dahil nakuha niya ang punto mo. Natutuwa ako sa mga taong nakilala at makikilala ko pa sana sa hinaharap pag nagkataon. Masarap isiping sa dami ng mga nilalang na namumuhay sa laganap na katangahan sa lipunang 'to, meron at meron pa rin palang mga class S na nilalang na tulad mo kung mag-isip. Mga ka-wavelength. Mga kaututang dila. Mga online prenli prens.

Pero ngayon, sa kasalukuyang takbo ng mga pangyayari sa paligid ni Lio Loco, hindi ko alam kung mapag-uukulan ko pa ng pansin ang pagba-blog na 'to. Masyadong hectic ang iskedyul. Wala pa 'kong mga overnight tapings sa lagay na yan. Nyahahaha! Andami nang abala sa pang-araw-araw na pakikipagpatintero sa buwakanginang tadhana. Napakaraming gustong gawin at tapusin. Pero bente kuwatro oras lang ang meron ka. Kung pwede ngang isagad, isasakyod mo talaga nang todong todo. Matapos lang ang kelangang tapusin.

Kaya naman sa puntong ito, gusto kong makinig ang lahat ng mga naliligaw ng landas. Simula ngayong araw na 'to, ipinapaalam ko sa makamundong Pinoy sangkablogosperyohan ang pansamantalang pamamaalam ng kabalahuraan ni Lio Loco sa Intarnetz.

Ayoko ng plastikan. Wag mong sabihing mamimiss mo 'ko dahil sa simula't simula pa lang, hindi ka naman nahumaling sa mga pinagsusulat ko rito. Nagpunta ka lang siguro rito para ipagkalat ang buwakanginang blog mo sa pamamagitan ng walang kamataya't tried and tested na "Nice post, [link]" comment mo. Hindi ko alam kung kelan ako makakabalik. O kung makakabalik pa nga talaga ko sa makulet na mundo ng pagba-blog. Walang kasiguruhan. Maaaring ito na ang last post ko sa makamundong Pinoy sangkablogosperyohan. Maaaring may kasunod pa. Lahat depende sa takbo ng mga pangyayari.

Maliban na lang kung bibigyan niyo 'ko ng isang kongkreto't matibay na dahilan kung bakit kelangan kong ipagpatuloy ang pagba-blog. Hangga't hindi ako nabibigyan ng balidong rason para ipagpatuloy ang kabalahuraan ko rito bilang The Great Bastard Blogger aka SSDD Boy, isusukbit ko na nang tuluyan ang lahat ng alaala ng buhay blogger ko sa sisidlang hindi aamagin ng nakakalimot na agiw. At doon, sa espasyong hindi maaabot ng mga buwakanginang pakdatshits at mapanlinlang na lipunang hubad sa karunungan, doon ko pagninilayan-babalikan ang bahagi ng talambuhay kong minsan, naging isa akong makulet na blogger ng makamundong Pinoy sangkablogosperyohan.

Adios!

Postscript

Kung meron mang mabuting nilalang diyan na may kakilala, kamag-anak, kabarkada, kakantutan o malayong kapitbahay na merong Accounting books na pwedeng ipahiram (Auditing Theory, Auditing Problems, Financial Accounting, Practical Accounting, Business Law and Taxation, Managerial Advisory Services, Theory of Accounts), tatanawin kong habambuhay na utang na loob sa'yo ang pagpapahiram ng mga librong 'yan sakin. Ayoko pang bumili ng libro sa Recto dahil inirereserba ko ang pera ko sa one month advance-one month deposit paglipat sa panibagong kuta rito sa España. Salamas ng marami. Hmmkeibye!