Pages

How To Be a Moymoy Palaboy in 24 Hours


Warning: The following post contains sentiments of blade-slashing, black eyelid-lining EMO-ish proportions. Closing the tab and continuing to download your Maria Ozawa porn torrent are highly recommended. You have been warned.

Ngayon ko lang nalaman. Mahirap pala ang mag-isa. Mahirap tumayo sa sarili mong paa nang wala kang kinakapitan o sinasandalan. 'Yung tipong you and you alone against the bitchin' universe. Ikaw at ikaw lang. Walang kaibigan. Walang kamag-anak. Walang kasintahan. Walang kakantutan. Wala. Ikaw lang talaga.

Ilang beses ko na bang sinabi sa kutang 'to na allergic ako sa tao? Hindi ako mahilig makipag-harutan sa kung sinu-sinong nilalang at kung papipiliin akong gumala sa labas para magpatuyo ng mamasa-masang buhok sa kili-kili sa higanteng AC ng mga mall dito sa Maynila, mas nanaisin ko pang mapag-isa at mag-kembyular mag-DVD marathon sa bahay o di kaya naman eh maglakbay sa natatanging mundong inihain ng mga paborito kong libro.

Don't get me wrong. May mga kaibigan din naman ako at malayo pa sa hinagap ko ang magpaka-ermitanyo sa kung saan mang bundok na namumutiktik sa shabu at marijuana. Pero ang mga nilalang na 'to eh subok na ng panahon. Ilang ulit ko nang nakainuman at nakamurahan bago pa nila makuha ang matamis kong oo. Hindi kita pwedeng pag-aksayahan ng laway kung hindi rin lang kita ka-wavelength. Wala akong pakialam sa'yo kung ang bawat katagang lumalabas sa bunganga mong may halitosis eh kwento lang ng mga bagay-bagay na malamang sa malamang eh pagdaramutan ko ng kakarampot kong panahon. Ganun akong tao eh. Suplado. Barubal. Boring. Anonymous. Hindi sociable. Walang kwentang nilalang.

But I digress. Gaya ng sabi ko, ngayon lang talaga nag-sink in ang katotohanang at the end of the day, ikaw at ikaw lang pala talaga. Ngayon ko lang napagtanto na tulad ng nauna ko nang pagninilay-nilay, mas maige nga talaga ang mapag-isa kesa isiksik mo ang sarili mong pagkakahumindig sa presensiya ng mga taong hindi mo alam kung masasagip ka sa pagkakalunod sa kumunoy. Mas mabuting magpakadalubhasa ka sa sarili mong imahe kesa ihulma mo ang sarili mong personalidad ayon sa kanilang stereotypical na pag-iisip.

Kanina lang eh namroblema ako kung saan ko palilipasin ang madilim na gabi. Darating ang maraming bisita sa apartment ng isang kaibigan kung saan ako nagkukuta nang ilang araw. Hindi ako pwedeng sumiksik. Higi't lalong hindi rin pala ko pwedeng magtagal dahil magmumuka na kong palamunin nun. Okey lang kako dahil meron pa namang isang grupo ng barkadang maaari akong kupkupin hangga't hindi pa ko bumabalik sa taragis na Pasig. Ang siste, ban din pala ko run dahil maangas pala ang pagmumuka ko sa may-ari ng kutang hindi mo alam kung babae ang gusto o babaeng may adam's apol talaga.

Maddapakingshet! Dinaig ko pa pala ang mga yagit na palaboy sa kalyeng ginawa nang teritoryo ang mga nanlilimahid na kalsada. Hindi naman ako pwedeng bumalik ng Pasig dahil andun pa rin ang asungot na pumalit sa puwesto ko pansamantala. Sa pagkakaalam ko, may mga kamag-anak din kami rito pero ayoko nang bigyan pa ng sakit ng ulo ang mommy ko kapag nagtext akong wala akong tutuluyan ngayon at kung pwedeng gambalain ang mga kamag-anak namin saan man sila naroroon ngayon para kupkupin ang kahabag-habag na si Lio Loco maski isang gabi lang.

Alam mo ba ang ibig sabihin ng self-pity? Iyon na siguro ang pinakamalapit na abstract na pwedeng sumalamin sa nararamdaman ko ngayon. Habang tinitipa ko ang mga walang kwentang katagang 'to, magda-dalawampu't apat na oras na kong bangag at gising simula kagabi, pumupungay-pungay na ang pilik-mata sa kawalan ng matinong tulog, malagkit at nanlilimahid ang buong katawan na parang mga drumbeat boys na sumasabit sa jeep at pagkatapos makakuha ng barya sa mga kapwa nila hikahos na pasahero eh sisinghap-singhap na parang naka-high sa isang supot ng rugby. Labindalawang oras na Rest Day Overtime sa putahan, dalawang oras na biyahe galing sa Makati, tatlong oras na tanghalian at siyesta, limang oras na pag-iikot ikot sa España kakahanap ng matutuluyan, at isang oras and counting na pagharap sa isang kuwadradong monitor para ilabas lahat ng ka-emo-hang naipon sa unfortunate event na 'to.

Pathetic. Hindi ko alam kung gumagana pa nga nang maayos ang ulirat ko. Ang alam ko lang, kung ano ang gustong sabihin ng damdamin ko ngayon, iyon at iyon lang ang titik na pinipindot ng mahahaba kong mga daliri, mga himutok ng di mapigiling pagpupuyos ang ipinuputok ngayon. Mabuti na lang at lumaklak ako ng dalawang Cobra energy drink sa putahan kanina at sa kasalukuyan eh ginagawang oxygen tube ang straw ng isang malaking Chillz Iced Coffee mula sa ever convenient Mini-stop.

Ayokong magpaka-emo dahil alam kong walang dahilan ang pagseseryoso kong ito. Pinipilit kong bigyan ng rational explanation ang lahat at wag kumampi sa natural na emosyong mararamdaman mo kapag nangyari sa'yo ang ganito. Pero ang hirap. Mahirap isipin na ang mga taong matagal nang nakatatak sa kukote mong matatakbuhan mo, ang mga nilalang na matagal mo nang nakasalamuha't nakapalagayang loob eh mga taong hindi mo pala pwedeng i-text in matters of life and death dahil wala ka ring maaasahang tugon. Alam kong wala silang choice dahil may sari-sarili rin silang buhay na kelangang ayusin at ang bawat pagkilos nila'y nilakipan ng samu't saring limitasyon. Pero iniisip ko. Kung sila kaya ang nasa kalagayan ko at ako ang nasa kalagayan nila, maaatim ko bang mangyari sa kanila ang nangyayari sakin ngayon? Masisikmura ko bang manahimik at magpakamanhid dahil wala akong magagawa, kaya hahayaan ko na lang ang isang taong malapit sakin na magpakabangag kakahanap ng pwedeng tuluyan ng isang gabi lang?
Isang. Gabi. Lang.

Wala sa plano pero biglang-bigla eh umupa ako ng isang kwarto sa isang dormitoryo sa España para lang may masilungan ngayong gabing 'to. Wala rin sa plano pero biglang-bigla eh naisipan ko na ring simulan na ang pagre-review ko para sa CPA Board Exam. Yaman din lang na nakapag-one month advance, one month deposit na ko sa kutang iyon, lulubus-lubusin ko na ang pamamalagi sa España. Nakikini-kinita ko na kasing hindi malayong kainin na 'ko ng sistema ng pagpapakaputa kapag hindi ko pa sinimulang gawin 'to. Kung hindi ngayon, kelan pa?

Big changes. Mamumuhay na 'kong mag-isa ngayon. Walang tagapagluto ng pagkain, walang kausap kapag nabuburyong pagkagaling sa work, walang kainuman kapag nauuhaw ang lalamunan. May curfew hours simula 11PM hanggang 5AM (hindi ko rin alam kung ba't sa ganung klase ng kuta ako napadpad; siguo kasi ala na kong makitang maayos kanina) at sa ikaapat na palapag pa ang sariling kwarto. Andaming adjustments. Nakakapanibago.
Parang blinender na excitement, saya, at pag-aagam-agam ang nagluluksong tinik ngayon sa dibdib ko. Hindi ko alam kung mapapanindigan ko 'to pero kelangan eh. Wala na 'kong choice. Wala na 'kong ibang matatakbuhan kundi sarili ko lamang. Iniisip ko na lang, eto siguro 'yung tinatawag nilang charging it to experience. Maski papano kako eh hindi na lang puro kabalahuraan ang laman nitong kukote ko.

Magre-request na rin ako ng day shift schedule sa putahan kapag nakapag-enrol na ko sa ReSA (Review School of Accountancy). Lagare na ang oras ko 'pag nagkataon dahil pagkagaling sa putahan eh diretso review na 'ko. Kaya sana wag kayong magalit kung paminsan-minsan na lang ako makakapag-update sa kutang 'to. Sana rin, wag kayong magsawa sa pagdalaw maski na madalang na 'kong makabisita sa mga kuta niyo kapag natuloy na ang hibernating castaway drama.

Simula sa araw na 'to, hayaan niyong ipamalita sa inyo na magpapaka-monghe na ule si Lio Loco, malayo sa kalong ng mga tao, sa pasan ng lipunang simula't sapol eh hindi ko pwedeng maasahan, pabalik ule sa mundong sakim at makasariling una kong kinagisnan. Pareng Erap, pahiram ng linya mo, pwede? Walang kaibi-kabigan. Walang kama-kamag-anak. Wag niyo kong subukan.

P.S. Salamat pala nang marami dahil andiyan ka para basahin ang walang kasing emong post na 'to. Maski papano, naibsan nang konti 'tong pinuputok ng butse ko. Mabigat sa loob. Kelangang ilabas. Sige. Matutulog na ko. Zzzzzzz...

*isinulat kagabi, 05.04.2009, 9:49pm