Nawawalan na naman ako ng gana sa pagsusulat ng kung anu-anong shit sa datkom na 'to.
Hindi dahil sa ayokong magsulat. Sa katunayan, ang pagsusulat ang isa sa mga gawaing hindi ko ipagpapalit kahit pa sa mamula-mulang utong ng gelpren mo dahil binibigyan ako ng libangang ito ng kakaibang ligayang di kayang ibigay ng kalaguyo ng iba. Kapag nagsusulat ako, para akong durugistang naka-high sa pinagbabawal na gamot, narerelaks ako habang nangingiting mag-isa sa di malamang kadahilanan. Ang pagtipa ng mga salita eh nagbibigay sakin ng kalayaan para ibulalas ang sinasaloob ko. Walang limitasyon. Walang sinumang talipandas ang magdidikta ng lalamanin ng mga salita.
Nawawalan ako ng ganang magsulat ngayon dahil wala akong okey na shit na pwedeng isulat. Kung hindi okey ang shit, walang magbabasa. Kung walang magbabasa, bat ka pa magsusulat? Wag kang magpakaangas at pagkatapos eh sasabihin saking hindi ka nagsusulat para basahin ng iba. Dahil kung ipagpipilitan mo ang baluktot na katwirang 'yan, isa lang ang tanong ko:
Ba't hindi ka na lang nag-diary kung ganun?
Naniniwala akong walang saysay ang pagsusulat ng isang blogger kung hindi rin lang ito babasahin ng mambabasa. Bukod sa inaaksaya niya lang ang bandwidth niya, dumadagdag pa siya sa milyun-milyong basurang nakakalat lang sa Intarnetz. Hindi ko na isasama ang oras at pagod na nasayang dahil sarili naman niyang oras at pagod ang inaksaya niya; desisyon niya 'yun, hindi akin. Wala dapat akong pakialam kung pinili niyang maging masokista.
Meron akong isang panuntunang sinusunod sa pagba-blog:
Kung sa tingin ko eh walang kwentang shit ang isinulat ko, kahit na pinaghirapan ko pang isulat 'yun, hindi dapat pwedeng ilathala ang walang kwentang shit na 'yun. Mas gugustuhin ko pang matengga nang isang buwang walang blog post ang datkom kesa araw-araw na may laman pero puro walang kwentang satsat naman.
Huwag mong lilinlangin ang sarili mong pagkakahumindig na may matinong taong magbabasa ng gawa mo kung tungkol lang 'yan sa walang kwentang nangyari sa buhay mo sa araw na 'to o tungkol sa paglalaslas mo dahil tingin mo eh pasan mo ang mundo. Hindi lahat ng kwento kapupulutan ng aral, hindi lahat ng tao gustong matuto. Kung gugustuhin ko lang humikab at matulog, sapat na siguro ang maupo ako buong gabi kakapanood ng teleserye shit sa TV. Kaya maniwala ka sana kung sasabihin ko sa'yong sukang suka na ang lahat sa mga ganyang klase ng kwento.
Na hindi ko naman isinisisi sa kahit kanino dahil sa totoo lang, paulit-ulit lang naman talaga ang nilalaman ng mga blog. Paikut-ikot, walang katapusan, iyon at iyon pa rin ang nilalaman. Kaya nga nakakatamad ding mag-bloghop kung minsan. Kasi alam mo na ang kahihinatnan.
Pero naniniwala akong walang orihinal na ideya. Maaaring nasabi ko na noon pa ang gusto mong sabihin sa susunod na linggo o pwede ring ang nailahad ko rito eh nabanggit mo na noon pa. Pero wala pa rin akong karapatan na angkinin ang puntong iyon sa parehong dahilan na hindi mo rin pwedeng sabihing plinagiarize lang kita. Dahil naniniwala akong maaaring nauna lang ako o ikaw lang ang nahuli sa paglalahad ng punto.
At kung gusto mo talaga ng mambabasa, matuto kang magsulat. Iba ang pagsusulat sa pagdudugtung-dugtong lang ng mga walang kwentang salita. Nasa pagdadala lang kasi ng kwento 'yan. Kumbaga sa karinderya eh pare-parehong putahe ang inihahain pero magkakaiba ang lasa dahil sa ginamit na sangkap at pampalasa.
Kaya nga bilib na bilib ako sa mga blogger na kayang gawing kaabang-abang ang isang simple at walang kwentang kwento tungkol sa shit ng buhay nila. 'Yung tipong mapapabulalas ako ng "Nabasa ko na 'to!" pero babasahin ko pa rin hanggang sa pinakahuling talata dahil iba ang atake ng pagkakasulat at hindi nakakaumay ang daloy ng salita. Sa kasamaang palad, sa libu-libong blog na naglipana ngayon sa Intarnetz eh ito ang mga blog na lihis imbes na panuntunan.
Tatlong text ang natanggap ko kaninang nag-aayang makipag-inuman sakin. Wala sa kanila ang nireplyan ko dahil bawal pala sakin ang uminom ng alak ngayon. Sa kung ano ang dahilan, hindi mo na kelangang malaman. Sa labas ng apartment, puro putok ng tansan at putak ng mga lasing na kapitbahay ang naririnig ko. Naglalaway ang lalamunan ko.
Apat na handbook na pag pinagpatung-patong eh kasingkapal ng hollow blocks ang kelangan kong basahin bago matapos ang linggong 'to. Tapos na ang petiks mode training namin at sa tingin ko eh hindi ko pa kayang sumabak sa totoong pagkwenta. Heksayted ang mga kasama kong mag-audit sa ABS-CBN, Meralco, at PLDT; gusto ko na atang mag-resign. Paubos na ang allowance ko, isang linggo pa ang hihintayin bago ang sweldo. Tae lang talaga.
Marami akong gustong isulat pero hindi ko isusulat dahil puro sila walang kwentang shit.
Hindi ito isang blog entry. O isang pagtatangka sa pagsusulat ng blog entry. Ang lahat ng mga pinagdugtung-dugtong na salita eh isa lamang pagpipilit na tanggalin ang kung anumang latak na namumuo sa utak ng isang walang kwentang tagakwenta.
Hindi ito isang blog entry. Wag mong pilitin ang sarili mong magbasa.
*Tae lang. Matapos kong gamitin ang ilang talata sa maikling kwento kong "Whore," lumabas sa pagsusuring hawig ko ang istilo ng isang tanyag na manunulat. Ako, hawig ang panulat-kamay ng idolong si J.D. Salinger? Weh! Ang "I Write Like"widget eh nakuha ko sa isang blog na madalas kong tinatambayan. At nakuha mo, hindi dapat siniseryoso ang resulta ng "I Write Like" widget.








